Magnomina ng isang bayani sa multikultural na komunidad

Mga maiikling kuhang audio ng CEO ng Multicultural NSW na si Joseph La Posta ay makukuha rito

Nanawagan ang Pamahalaang NSW sa mga komunidad sa buong estado na magnomina ng mga indibidwal at organisasyon na nagsulong ng pagkakaisa at pagkakasundo sa lipunan ngayong 2025.

Opisyal nang binuksan ng Multicultural NSW ang nominasyon para sa 2026 Multicultural Community Medals at sa Multicultural Honour Roll. Sa programang ito, kinikilala ang mga lider, boluntir, pasimuno ng pagbabago, inobador, artista, malikhaing talento, at mga huwarang atleta na nagsisilbing inspirasyon dahil sa kanilang mga kontribusyon para sa pagkakaisa at pagkakaunawaan sa NSW.

Ayon kay Minister for Multiculturalism Steve Kamper, “Napakaraming malalalim na kuwento ng katatagan, kabutihang-loob, inobasyon at pagtutulungan sa ating buong estado. Isa ang NSW sa mga pinaka-magkakaiba-ibang komunidad sa buong mundo, at nais naming kilalanin ang mga tao at grupong nagsusulong ng pagkakaisa sa lipunan, nakikita man ng iba o nakatago sa iba. Hindi na kami makapaghintay na ipagdiwang at kilalanin ang kahanga-hangang gawain ng lahat.”

Kabilang sa mga kategorya ng medalya para sa 2026 ang:

  1. Community Harmony Medal (Medalya para sa Pagkakaisa ng Komunidad)
  2. Lifetime Community Service Medal (Medalya para sa Habambuhay na Serbisyo sa Komunidad)
  3. Arts and Culture Medal (Medalya para sa Sining at Kultura)
  4. Community Languages Teacher Medal (Medalya para sa Guro ng Mga Wika ng Komunidad)
  5. Interpreters and Translators Medal (Medalya para sa mga Tagasalinwikang pasalita at Tagasalinwikang pasulat)
  6. Multicultural Health Medal (Medalya para sa Kalusugang Multikultural)
  7. Multicultural Not for Profit Medal (Medalya para sa Multikultural na Di-Pinagkakakitaan)
  8. Multicultural Youth Support Medal (Medalya para sa Suporta sa Kabataang Multikultural)
  9. Regional Unity Medal (Medalya para sa Pagkakaisa sa Rehiyon)
  10. Sports Medal (Medalya para sa Isports)
  11. Best Report in Multicultural Media (Pinakamahusay na Ulat sa Multikultural na Midya)
  12. Multicultural Publication of the Year (Multikultural na Lathalain ng Taon)
  13. Multicultural Marketing Campaign of the Year (Multikultural na Kampanya sa Marketing ng Taon)

Samantala, ang Multicultural Honour Roll naman ay parangal na ibinibigay sa mga yumao bilang pagkilala sa pamana nila noong nabubuhay pa at sa kanilang impluwensiya para sa isang inklusibo, matatag at mapayapang lipunan.

Isinalaysay naman ni Neena Sinha, tumanggap ng 2025 Interpreters and Translators Medal, na malaking kagalakan ang malaman niyang nakatulong ang kanyang trabaho bilang interpreter sa mga korte ng NSW. “Napakalaking karangalan ang makatanggap ng medalyang ito – ngayong nagbabalik-tanaw ako sa nakaraang 40 taon, alam kong may nagawa akong makahulugan sa aking buhay,” aniya.

Ipagkakaloob ang mga parangal na ito sa Premier’s Harmony Dinner sa Marso 2026 – isa sa pinakamalaking pagtitipon ng multikultural na komunidad sa Australya. Ang nominasyon ay magtatapos sa ganap na 11:59 ng gabi, sa Linggo, ika-28 ng Setyembre.

Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang: multicultural.nsw.gov.au/multicultural-community-medals.

You may also like...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *