Mga violent youth offenders, papatawan ng adult sentences sa ilalim ng bagong batas sa Victoria

Magkakaroon ng malaking pagbabago sa sistema ng hustisya sa Victoria matapos ihayag ni Premier Jacinta Allan ang bagong plano na tatawaging “Adult Time for Violent Crime.” Sa ilalim ng panukalang ito, ang mga kabataang edad 14 pataas na mahuhuling gumawa ng marahas na krimen—tulad ng aggravated home invasion, carjacking, at machete attacks—ay hahatulan na sa parehong paraan tulad ng matatandang nagkasala, o sa ilalim ng mga adult court rules.

Ayon kay Premier Allan, layunin ng reporma na tugunan ang tumataas na kaso ng marahas na krimen na kinasasangkutan ng mga kabataan at tiyaking may mas mabigat na kaparusahan ang mga lumalabag. “There are too many victims, not enough consequences. That’s why we’re introducing Adult Time for Violent Crime” (Napakaraming biktima ngunit kulang ang hustisya. Kaya ipinapatupad namin ang Adult Time for Violent Crime). “We want courts to treat these violent children like adults, so jail is more likely and sentences are longer” (Gusto naming ituring ng mga hukuman ang mga marahas na batang ito tulad ng matatanda, upang mas mataas ang posibilidad na makulong sila at mas mahaba ang sentensya).

Mas mabigat na sentensya, mas malaking pananagutan

Sa kasalukuyan, 34% lang ng mga kabataang nahahatulan ng aggravated home invasion o carjacking sa Children’s Court ang napupunta sa kulungan. Ngunit kapag sa adult court sila hinatulan, 97% ang nauuwi sa pagkakakulong.

Sa bagong batas, ang mga edad 14 pataas na mapapatunayang nagkasala sa mga kasong ito ay haharap na sa County Court, hindi sa Children’s Court. Ang pinakamataas na sentensya sa Children’s Court ay tatlong taon lamang, samantalang sa County Court, maaaring umabot sa 25 taon para sa aggravated carjacking o home invasion—at sa ilalim ng bagong plano, maaari pang humantong sa habambuhay na pagkakakulong (life sentence). “These changes will mean more violent youth offenders going to jail, facing serious consequences” (Ang mga pagbabagong ito ay magreresulta sa mas maraming marahas na kabataan na makukulong at haharap sa mabigat na kaparusahan), dagdag ni Allan.

Mga krimeng sakop ng “Adult Time for Violent Crime”

Ang mga sumusunod na krimen ang sakop ng bagong batas: aggravated home invasion, home invasion, intentionally causing injury in circumstances of gross violence (kasama ang machete crime), recklessly causing injury in circumstances of gross violence, aggravated carjacking, carjacking, aggravated burglary (seryoso o paulit-ulit), at armed robbery (seryoso o paulit-ulit).

Ang unang limang krimen ay aalisin na sa hurisdiksyon ng Children’s Court at awtomatikong lilipat sa County Court para sa paglilitis at sentensya. Ang carjacking cases ay magiging default sa County Court maliban na lang kung may “substantial and compelling reasons” para manatili ito sa Children’s Court.

Pagbabago rin sa prinsipyo ng sentencing

Bukod sa paglilipat ng mga kasong ito sa adult court, babaguhin din ng gobyerno ng Victoria ang mga gabay sa sentencing ng Children’s Court. Dito, kailangang isaalang-alang ng mga hukom ang kaligtasan ng komunidad bilang pangunahing konsiderasyon, epekto ng krimen sa biktima, at pag-alis sa patakaran na ang kulungan ay “last resort” para sa mga bata.

“When child offenders are sentenced in an adult court, most go to jail. Adult courts put more emphasis on victims, violence and community safety” (Kapag hinatulan sa adult court ang mga batang nagkasala, karamihan ay nakukulong. Mas binibigyang-diin ng adult courts ang mga biktima, karahasan, at kaligtasan ng komunidad), ayon kay Attorney-General Sonya Kilkenny. “There are no easy solutions to youth crime, and the best approach is always to stop crime before it starts. But we absolutely need serious consequences for violent youth crime to protect the community now” (Walang madaling solusyon sa youth crime, at ang pinakamainam ay pigilan ito bago mangyari. Ngunit kailangan natin ng seryosong kaparusahan sa marahas na krimen ng kabataan upang maprotektahan ang komunidad ngayon).

Disiplina at hangganan

Ipinaliwanag ni Allan na hindi sapat ang kasalukuyang sistema para magturo ng leksyon sa mga kabataang lumalabag sa batas. “As parents, we know children always need firm boundaries—not just at home but under the law. The threat of going to jail helps keep children within the guardrails and teaches them right from wrong” (Bilang mga magulang, alam nating kailangan ng mga bata ng malinaw na hangganan—hindi lang sa bahay kundi sa ilalim din ng batas. Ang banta ng pagkakakulong ay nagtuturo sa kanila ng tama at mali), sabi ni Allan.

Para sa mga batang edad 14, maaari pa ring isaalang-alang ng hukuman na manatili sa Children’s Court kung may “substantial and compelling circumstances,” gaya ng pagkakaroon ng cognitive disability.

Bahagi ng mas malawak na anti-crime plan

Ang Adult Time for Violent Crime ay unang hakbang sa mas malawak na inisyatiba ng gobyerno na tinatawag na “Serious Consequences – Early Interventions Plan,” na layuning bawasan ang marahas na youth crime sa pamamagitan ng maagang interbensyon at mas matitinding parusa. Kabilang dito ang mga bagong batas sa bail na nagpapahirap makalaya ang mga nahaharap sa mabibigat na kaso, ang pagdaragdag ng mga pulis sa lansangan, at ang pagbabawal ng machetes, kung saan maaari ka nang makulong kahit sa pagmamay-ari lamang nito.

Ayon sa gobyerno, ipapasok sa Parliament ngayong taon ang panukalang batas upang maisabatas ito sa 2026.

You may also like...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *